MANILA, Philippines - Nanatiling walang talo sina Cheska Centeno at Rubilen Amit sa group elimination ng 4th Annual Yalin Women’s World 10-ball Championship kahapon sa Robinson’s Galleria sa Ortigas.
Si Amit na dinomina ang torneo apat na taon na ang nakalipas ay umani ng mga panalo laban kina BR Jung ng Korea, 6-2, at K. Yukawa ng Japan, 6-1, habang si Centeno na naunang nanalo kay Noriko Onoda, 6-4, ay nanaig pa kay M. Grujicic ng Venezuela, 6-0.
Patuloy naman ang pangangapa ni Iris Ranola na lumasap ng ikalawang kabiguan matapos ang tatlong laro sa kamay ni L. Fulberg ng Sweden, 4-6.
Bago ito ay natalo muna ang double gold medalists ng SEA Games kay Kimuka Maki ng Japan, 4-6, pero bumangon laban kay Charlene Chai, 6-4.
Sa iba pang resulta, nakausad na sa knockout stage ang 2010 champion Jasmin Ouschan ng Austria nang hawakan ang 3-0 karta matapos pataubin sina N. Praveen ng India, 6-2, K. Sone ng Japan, 6-3, at Ga Young Kim ng Korea, 6-4.
Ang hiniranging kampeon matapos ang apat na araw na torneo ay magbubulsa ng $21,000 premyo.