MANILA, Philippines - Pinabagsak ng Energen Pilipinas U-18 team ang dating walang talong Chinese-Taipei, 88-83, upang selyuhan ang isang puwesto sa quarterfinals sa 22nd FIBA Asia U-18 Championship kahapon sa Buyant-Ukhaa Arena sa Ulan Bator, Mongolia.
May 25 puntos si Jerie Pingoy na kanyang nilakipan ng isang 3-point play upang ibigay sa Nationals ang 86-82 kalamangan may 46 segundo sa orasan.
Mahigpitan ang tagisan at ang Chinese-Taipei, na naunang napag-iwanan ng siyam na puntos sa halftime, 34-43, ay nakaangat ng tatlong puntos, na tatlong beses na nangyari sa huling yugto.
Ang free throws ni Lin Kuan-chun sa foul ni Rey Nambatac ang nagtulak sa Taiwanese team sa 80-77 bentahe pero bumawi si Nambatac nang umiskor siya sa sumunod na play bago sumunod ang jumper ni Pingoy na nakahirit din ng foul kay Huang Hung-han.
“Ito ang pinakamalaking game namin sa second round at masaya kaming nanalo rito,” wika ni coach Olsen Racela.
May 22 puntos pa si Rodolfo Alejandro habang 10 ang ibinigay ni Nambatac para sa Nationals na kinuha ang ikalawang puwesto sa group F kahit katabla ngayon ang Taiwanese team na kanilang pinatikim ng unang kabiguan.
“Our players were too nervous and gave the game away,” wika naman ni Taipei coach Yang I-feng na humugot ng 25 puntos kay Lin Kuan-chun.
Ang Iran ay nangunguna pa rin sa 3-0 karta matapos ang 97-26 pagdurog sa Indonesia sa isa pang laro.
Kalaban ng Pilipinas ang Bahrain (0-3) ngayong alas-2 ng hapon at isa pang panalo ang magseselyo sa number two spot papasok sa knockout quarterfinals at makakatapat nila rito ang papangatlo sa Group E.