Teng angat na angat sa ROY award
MANILA, Philippines - Nangangalahati pa lamang ang 75th UAAP season pero tila selyado na ni Jeron Teng ang Rookie of the Year award sa taong ito.
Ang naitalang 35 puntos ni Teng nang pangunahan ang 87-86 double overtime panalo laban sa host National University ang nagselyo sa estado ng 18-anyos na manlalaro bilang isa sa mahuhusay na manlalaro ngayong season.
Ito ang pinakamataas na naiskor sa huling 10 taon ng isang manlalaro matapos ang 43 puntos ni Jeff Napa ng Bulldogs noong 2002 habang pinakamataas din sa hanay ng isang rookies matapos ang 25 puntos ni Mike Gamboa ng UP noong 2007.
Hindi lamang dito natapos ang mahusay na ipinakita ni Teng dahil siya rin ang nagpanalo sa koponan sa kanyang pang-apat na tres na nagbigay ng 85-79 bentahe sa ikalawang extension.
Tumapos si Teng gamit ang 58% shooting clip mula sa 14-of-24 shooting na nagmula sa 4-of-7 sa 3-point line at 10-of-17 sa 2-point field goals.
Dahil sa ipinakita, si Teng ang ginawaran ng UAAP Press Corps Player of the Week na handog din ng Accel 3XVI.
- Latest
- Trending