MANILA, Philippines - Nanumbalik uli ang sigla sa laro ng Energen Pilipinas tungo sa madaling 88-62 panalo sa Indonesia sa pagbubukas ng 22nd FIBA Asia U-18 Championship second round kahapon sa Buyang Ukhaa Stadium sa Ulan Bator, Mongolia.
Si Jerie Pingoy ay mayroong 16 puntos habang sina Mario Bonleon at Rey Nambatac ay tumapos taglay ang 15 at 11 puntos at ang koponang hawak ni Olsen Racela ay umangat sa 2-1 karta.
Ang Pilipinas ay umabante mula sa Group D kasama ng Iran at Saudi Arabia. Bitbit nila ang 1-1 win-loss record sa dalawang nakatunggaling bansa sa group elimination dahil hindi na nila makakalaro ang mga ito sa yugto.
Nanalo ang Nationals sa Saudi Arabia pero natalo sa Iran para sa 1-1 baraha.
Ang mainit na laro nina Pingoy, Bonleon at Nambatac ay kanilang pambawi matapos magtala lamang ng 9, 4 at 5 sa nilasap na 72-93 pagkatalo sa Iran noong Linggo.
May 9 rebounds din si Nambatac para tulungan ang koponan na manaig sa rebounding, 42-33 tungo sa 34-16 inside points.
Ang matinding depensa ay nagresulta rin sa paghirit ng 22 turnovers na naging 22 points para sa Pilipinas.
Ang momentum na nakuha sa panalong ito ay magagamit ngayon dahil kalaban nila ang malakas na Chinese-Taipei sa ganap na alas-10 ng umaga habang ang huling laro ay laban sa Bahrain bukas sa ganap na alas-2 ng hapon.
May 4-0 karta na ang Taiwanese team matapos durugin ang Saudi Arabia, 82-41.
Ang mangungunang apat na koponan ang aabante sa knockout quarterfinals.