Chiefs pinasabog ang Heavy Bombers
MANILA, Philippines - Kinumpleto ni Rocky Acidre ang pagbibida para sa Arellano nang naisalpak ang dalawang mahahalagang free throws sa huling 8.2 segundo sa Chiefs tungo sa 85-82 panalo laban sa Jose Rizal University sa 88th NCAA men’s basketball kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Tumapos si Acidre taglay ang 22 puntos at mayroon din siyang apat na tres na ibinuhos sa second half upang tulungan ang Chiefs na hawakan ang pinakamalaking bentahe sa laro na 15 puntos, 62-47, sa ikatlong yugto
Ang kanyang magkasunod na tres ang nagbigay ng 73-62 kalamangan sa 6:58 pero nagising ang Heavy Bombers at ang nakumpletong 4-point play ni Byron Villarias sa huling 15 segundo ang tumapyas sa kalamangan sa isa, 82-83.
“Back to back games na ganito ang ibinibigay niya sa akin. Last time ay starter siya but for this game ay off the bench siya dahil hinahanap ko na mabigyan ang team ng new look,” wika ni Chiefs coach Koy Banal na umangat sa 4-6 baraha.
Naghanap ng bagong diskarte si Banal dahil sariwa sa kanyang alaala ang pagkakaroon lamang ng tatlong puntos sa huling laro laban sa Mapua na kanilang naisuko, 49-68.
Si John Pinto ay may 16 puntos, 7 assists, 3 rebounds at 3 steals bago inilabas dahil pinulikat ang kaliwang binti habang si James Forrester ay may 16 puntos at ang Chiefs kumamada ng 28 at 23 puntos sa second half.
Ito ang ikatlong pagkatalo ng Heavy Bombers laban sa pitong panalo at si Nate Matute ay mayroong 21 puntos pero nakuha niya ito sa mahinang 7-of-23 shooting.
- Latest
- Trending