Army, Cagayan Valley nagparamdam agad
MANILA, Philippines - Binuksan ng Philippine Army ang kanilang pagtatanggol sa korona sa Shakey’s V-League Open matapos talunin ang Philippine Navy, 25-14, 25-14, 25-13, kahapon sa Ninoy Aquino Stadium.
Humataw si Michelle Carolino ng walong kills at dalawang blocks at apat na service aces para sa kanyang 14 hits, habang naglista si Rachel Ann Daquis ng 13 points para sa Army.
Sa kabuuan, nagposte ang Army ng 34 attacks kumpara sa 22 ng Navy bukod pa sa kanilang 15 service winners na ang lima dito ay mula kay Jacqueline Alarca at tatlo kay Daquis.
Nagdagdag si Alarca ng siyam na hits, samantalang may 5 points si Iari Yongco at 4 markers si Marietta Carolino para sa Army ladies, tinalo ang San Sebastian Lady Stags para angkinin ang Open title noong nakaraang taon.
Walang Navy player na umiskor ng double-digit output.
Nagtala si Kiteh Rosale ng 7 points, kasama rito ang anim na attacks, at may pinagsamang 9 markers sina Gretchel Deposoy at Marilou Galido para sa Navy ladies.
Sumupalpal ng anim na beses ang mga Army ladies na nakakuha ng 20 digs, ang siyam dito ay galing kina Alarca at Michelle Carolino.
Samanatala, pinarisan naman ng Cagayan Valley ang tagumpay ng Army nang igupo ang Far Eastern U, 25-20, 25-12, 25-21.
Ipinakita ng Rising Suns, na ang kanilang kampanya sa liga na hatid ng Shakey’s Pizza at may ayuda rin mula sa Mikasa at Accel, ay suportado ni Gov. Alvaro Antonio, ang kanilang mas mainit na opensa matapos maiwanan sa first sa sumunod na yugto ng laban tungo sa kanilang pagwalis sa Lady Tams.
- Latest
- Trending