MANILA, Philippines - Pagkakataon ngayon ng Jose Rizal University na makasalo uli sa liderato sa pagharap sa Arellano University sa 88th NCAA men’s basketball sa The Arena sa San Juan City.
Nasa solo ikalawang puwesto ngayon ang Heavy Bombers matapos ma-upset ang dating kasalong San Sebastian ng Emilio Aguinaldo College, 67-77, na nangyari noong Sabado.
Ang larong ito ay itinakda sa ganap na alas-4 ng hapon at ikawalong panalo matapos ang 10 laro na papantay sa nagsosolo sa unahan na San Beda (8-2) ang maibubulsa ng koponan ni coach Vergel Meneses.
“Hindi puwedeng mag-relax lalo na second round na ito at dito na ang talagang bakbakan,” wika ni Meneses na balak ihatid ang JRU sa Final Four sa ikaanim na sunod na pagkakataon.
Ang mainit na laro mula sa kamador na sina Nate Matute at John Villarias ang aasahan ng Bombers bukod pa sa husay sa ilalim ni John Lopez.
Si Matute ang lider ng JRU sa kanyang 19.8 puntos, 3 rebounds at 1.2 assists habang si Villarias ay may 12.3 puntos, 5.3 rebounds, 2.1 assists, 1 steals at block. Si Lopez ay may 10.8 puntos, 7.3 rebounds at 2.9 assists.
Lumasap ang Chiefs ng 65-77 pagkatalo sa JRU sa unang pagkikita pero maaring bigyan ng koponan ni coach Koy Banal ang kalaban dahil na rin sa kahalagahan ng makukuhang panalo sa ginagawang kampanya.
May tatlong panalo lamang sa siyam na laro ang nailista ng Chiefs at dapat ay magbaga na ang kanilang laro mula ngayon kung nais nilang humabol sa puwesto sa Final Four.
Balik-aksyon din ang matagal na napahingang Perpetual Help sa pagsukat sa husay ng St. Benilde dakong alas-6 ng gabi.
Huling naglaro ang Altas ay noon pang Agosto 6 at natalo sila sa Arellano, 54-63, para wakasan ang first round bitbit ang 7-3 baraha.
Kailangang hindi mawala ang tikas ng laro ng tropa ni coach Aric Del Rosario dahil ang Blazers ay magababaka-sakaling ibangon ang malamig na kampanya sa unang ikutan nang tumapos lamang sila sa 3-6 karta.