MANILA, Philippines - Habang nabigo ang isang 11-athlete delegation na makasikwat ng medalya sa 30th Olympic Games sa London, gumawa naman ng ingay ang ibang Filipino athletes.
Isa na rito ang Team Manila girl softball team na inangkin ang gold medal sa Big League World Series kahit na walang suporta mula sa Philippine Sports Commission (PSC).
Dumating ang mga Manilenyas, nakilala sa Little League International scene bilang ‘Golden Girls,’ sa tournament site sa Kalamazoo, Michigan na kulang ng tatlong players dahil sa kawalan ng pondo.
Natalo sa kanilang unang dalawang laro, bumangon ang Team Manila para manalo ng pitong sunod, kasama na ang 14-1 paglampaso sa Westminster of Los Angeles.
Ang koponan naman na itinaguyod ng Philippine Swimming League at ng Diliman Preparatory School ay humakot ng kabuuang 70 medalya, ang 22 dito ay gold medals, sa Singapore International Swimming Championships.
Nag-uwi naman ang isang karatedo team ng isang silver at dalawang bronze medals sa Asia-Pacific Karatedo Championships sa Singapore.
Sa Bangkok, kumuha ang PH memory games squad ng 10 gold sa Fifth Thailand International Open Memory Championships at Mind Festival.