MANILA, Philippines - Ikaapat na panalo ang nakuha ng St. Clare at Centro Escolar University nang pataubin ang mga nakalaban sa pagpapatuloy ng 12th NAASCU men’s basketball sa Lumera Towers sa Legarda, Manila noong Biyernes.
Nagpasabog agad ng 33 puntos ang Saints sa unang yugto para hawakan ang 19 puntos kalamangan, 33-14, tungo sa madaling 100-53 laban sa Trace College.
Si Jeff Viernes ay mayroong 15 puntos habang sina Eugene Torres, Ramon Jamito at Marte Gil ay may 14, 11 at 10 puntos upang manatili ang St. Clare sa tuktok ng standings sa 4-0 baraha.
Hindi naman nagpaiwan ang Centro Escolar University na tinuhog ang New Era University, 85-62, sa isang laro.
May 28 puntos si Axl Garcia habang pinagsamang 30 ang ibinigay nina Mark Guillen at Euligio Lamosa para sa Scorpions na umarangkada sa pagbubukas ng ikatlong yugto upang ang siyam na puntos na bentahe sa halftime ay lumobo sa 66-48 kalamangan.
Nanalo rin ang Our Lady of Fatima University kontra sa City University of Pasay, 103-68, tungo sa pumapangatlong 3-1 baraha.
May 21 puntos si Carlito Cubo para pamunuan ang apat na manlalaro ng Phoenix na tumapos ng hindi bababa sa 11 puntos.
Ang Hunters ay lumasap ng ikatlong pagkatalo sa apat na laro habang 0-4 naman ang Stallions at Eagles.