Energen U-18 nakatikim ng talo sa Iran
MANILA, Philippines - Nabigo ang Energen Pilipinas na makuha ang unang puwesto sa Group D nang lasapin ang 72-93 pagkatalo sa Iran sa pagtatapos kahapon ng 22nd FIBA Asia U-18 Championship group elimination sa Buyant-Ukhaa Arena sa Ulan Bator, Mongolia.
Hindi kagandahan ang shooting ng dalawang koponan na nasa 40% lamang, pero ginamit ng Iranian ang kanilang height advantage upang makalayo sa Nationals tungo sa 3-0 karta.
May 21 puntos si Vahid Dalirzahan, 20 puntos, 14 rebounds at 1 block si Hossein Rahmati habang 16 puntos at 10 rebounds bukod pa sa 3 steals at ganitong dami ng assists ang hatid pa ni Sajjad Mashayekhi para sa Iran na umiskor ng hindi bababa sa 20 puntos sa bawat quarters.
Tumapos si Rodolfo Alejandro na may 12 puntos para sa Nationals na hindi nakatikim ng kalamangan sa kabuuan ng labanan.
Sa pinagsamang 24 rebounds nina Dalirzahan at Rahmati, ang Iranians ay nagdomina sa boards, 51-41 tungo sa 46-34 bentahe sa inside points.
Napahirapan din ang Pilipinas sa depensa ng Iranians sa kanilang 26 turnovers at ang guard na si Angelo Cani ay may anim.
Dahil sa errors na ito, ang Pilipinas ay inulan ng 22 turnover points kumpara sa 9 puntos mula sa 16 turnovers ng katunggali.
Sa 2-1 karta, ang Pilipinas ay umabante pa rin sa second round at makakasama uli ang Iran at ang papangatlo sa grupo na alinman sa Saudi Arabia at Kazakhstan. Isasama sa kanila ang unang tatlong koponan sa Group C sa pangunguna ng Chinese Tapei.
Kailangan ng Nationals na masama sa unang apat na koponan sa Group F para umabante sa knockout quarterfinals. (ATAN)
Iran 93- Dalirzahan 21, Rahmati 20, Mashayeki 16, Foroutan Nik 14, Yakhchalidehkordi 10, Arbatsofla 5, Koudakani 3, Yousofband 2, Gabrani 2.
Energen Pilipinas 72- Alejandro 12, Cani 11, Suarez 10, Pingoy 9, Namabtac 5, Javelosa 4, Babilonia 4, Bonleon 4, Lao 3, Rivero 2,.
Quarterscores: 22-17; 40-33; 65-48; 93-72.
- Latest
- Trending