MANILA, Philippines - Inangkin ng Energen Pilipinas Under 18 team ang ikalawang sunod na panalo nang pabagsakin ang Kazakhstan, 83-69, sa pagpapatuloy kahapon ng 22nd FIBA Asia U18 Championship sa Buyang-Ukhaa Arena sa Ulan Bator, Mongolia.
Ibinuhos ni Rodolfo Alejandro ang 11 sa kanyang 18 puntos sa huling yugto at siyam rito ay mula sa 15-footline na siyang naging mabisang sandata ng nationals upang tuluyang maibaon ang katunggali.
May 21 free throws ang ibinigay sa nationals sa huling 10 minuto ng bakbakan at 16 ang naipasok para maisantabi ang pagdikit ng Kazakhstan sa 55-56 sa huling 7:29 ng labanan.
Si Mario Bonleon ang nanguna sa koponan ni coach Olsen Racela sa kanyang 20 puntos habang sina Janus Suarez at Angelo Cani ay nag-ambag ng 14 at 10 pa.
Sa panalong ito, nakatiyak na ang Pilipinas ng puwesto sa second round at kakaharapin nila ngayon ang malakas na Iran sa ganap na alas-4 ng hapon.
Huling laro ng Kazakhs ay ang Saudi Arabia na isang knockout game dahil ang mananalo rito ang aabante sa second round.
Pasok na rin sa second round ang nagdedepensang China at Lebanon dahil sa imagkatulad na 2-0 karta sa Group A.