MANILA, Philippines - Lumabas uli ang karanasan ng Ateneo nang kunin ang 74-71 come-from-behind panalo laban sa kinapos na FEU para masolo ang unang puwesto sa 75th UAAP men’s basketball kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
May 17 puntos, 8 rebounds, 5 blocks at 3 assists ang 7-footer na si Greg Slaughter at siya ang pinaghugutan ng puntos ng Eagles para makumpleto ang pagbangon mula sa 12 puntos pagkakalubog sa unang yugto ng labanan.
Ang two-handed dunk ni Slaughter ang tuluyang nagbigay ng kalamangan sa Eagles, 58-57, bago niya sinundan ng magandang pasa para kay Kiefer Ravena tungo sa layup at iangat sa tatlo ang lamang.
Sina Arvie Bringas at Anthony Hargrove ang nagtulong para idikit ang Tamaraws sa 60-62, pero rumatsada sina Ravena at JP Erram ng 7-0 bomba upang itala ng Ateneo ang pinakamalaking kalamangan sa laro na siyam na puntos, 69-60.
Sina Ravena at Tiongson ay mayroong tig-12 puntos at ang huli ay nagpakawala ng dalawang tres sa ikalawang yugto upang ang naunang 23-35 iskor ay napababa ng Eagles sa 49-53 sa halftime.
Ito ang ikapitong sunod na panalo ng Eagles sa Tamaraws at solo na sila sa unang puwesto sa 6-1 karta. Bumaba ang Tams sa 5-2.
Sa unang laro, kumana ng magkasunod na tres sina Jeron Teng at Almond Vosotros para tulungan ang La Salle sa 87-86 panalo matapos ang dalawang overtime sa host National University.
Ang bagitong si Teng ay tumapos taglay ang career-high na 35 puntos habang si Vosotros ay may 18 puntos at ang Archers ay tumabla sa Bulldogs sa 4-3 baraha.
May 35 puntos din si Bobby Ray Parks Jr. para sa Bulldogs na hindi na nakabangon pa nang hawakan ng Archers ang 85-79 abante upang tapusin ang sa first round bitbit ang 4-3 panalo talo karata.
Ateneo 74- Slaughter 17, Tiongson 12, Ravena 12, Buenafe 10, Salva 6, Erram 6, Elorde 6, Sumalinog 3, Chua 2, Gonzaga 0, Golla 0.
FEU 71- Garcia 21, Hargrove 12, Romeo 10, A. Bringas 10, M. Bringas 7, Belo 6, Tolomia 3, Pogoy 2, Cruz 0.
Quarterscores: 18-21; 27-37; 49-53; 74-71.