MANILA, Philippines - Hindi man lamang pinawisan ang Energen Pilipinas Under 18 basketball team sa Saudi Arabia nang angkinin ang 95-52 dominasyon sa pagbubukas kahapon ng 22nd FIBA-Asia U18 Championship sa Buyant-Ukhaa Arena sa Ulan Bator, Mongolia.
Ang Middle East team ay nakapagbigay lamang ng magandang laban sa unang apat na minuto nang hawakan ang 10-6 kalamangan bago gumana ang laro ng tropa ni coach Olsen Racela at pinakawalan ang 17-2 bomba para hawakan ang 23-12 kalamangan.
Mula rito ay hindi na nagpaawat pa ang pambansang koponan upang makasalo ang Iran sa liderato sa Group D.
Humirit ang Iranian team, pumang-apat sa 2010 edisyon sa Sana’a, Yemen, ng 105-46 panalo sa Kazakhstan.
Si Janus Kyle Christian Suarez ay mayroong 15 puntos mula sa 5-of-8 shooting habang sina Rodolfo Alejandro, Mario Bonleon, Jerie Pingoy at Rey Nambatac ay tumapos taglay ang 14, 13, 11 at 10 puntos para sa Pilipinas na may kahanga-hangang 51% shooting sa 30-of-59 marka.
Kontrolado ng nationals ang lahat ng aspeto ng labanan dahil angat sila sa rebounding, (42-32), assists, 14-4, at steals, 13-8. Mayroon din silang 28-12 kalamangan sa inside points.
Si Waheed Faqihi ay may 19 puntos para sa natalong koponan.