Ateneo, FEU mag-aagawan sa No. 1 spot
MANILA, Philippines - Paglalabanan ngayon ng Ateneo at FEU ang unang puwesto sa 75th UAAP men’s basketball sa Smart Araneta Coliseum.
Ito ang unang pagkikita ng dalawang koponan na naglaban para sa kampeonato ng nagdaang taong edisyon na pinanalunan ng Eagles tungo sa kanilang ikaapat na sunod na titulo.
Parehong may 5-1 karta ang Eagles at Tamaraws kaya’t ang magwawagi ang siyang hihirangin bilang number one papasok sa second round elimination.
Mainit ang tropa ni coach Norman Black dahil may four-game winning streak sila ngunit ang Tamaraws ay magnanais na maisahan ang Ateneo para mabawi kahit paano ang 0-2 sweep sa finals noong nakaraang season.
Ang laro ay itinakda sa alas-6 ng gabi at ang unang tagisan ay sa pagitan ng host NU at La Salle sa alas-12 ng tanghali.
Pakay ng Bulldogs na kunin ang ikalimang panalo upang dumikit pa sa UST habang winning record sa first round ang nais naman ng Archers.
May 3-3 karta ang La Salle pero galing sila sa 56-52 panalo sa Adamson sa huling laro.
Samantala, sinandalan ng UP Integrated School ang malakas na panimula sa first half tungo sa 60-44 panalo sa UE sa juniors basketball kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Ang starters na sina Raymart Sablan at Freddy Pajarillaga ay nagsanib sa 17 puntos habang may 10 rebounds at tig-isang steal at block pa si Pajarillaga.
Dagdag na pitong puntos, dalawang rebounds, isang steal at block ang hatid ni Michael Quejada para sa UP na agad na nilayuan ang Pages, 31-14.
- Latest
- Trending