Lions sumalo sa liderato
MANILA, Philippines - Laro ng isang two-time champion ang inilabas ng San Beda upang ang inaasahang mahigpitang laro laban sa host Letran ay nauwi sa 65-43 madaling panalo sa pagtatapos ng 88th NCAA men’s basketball first round elimination kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Bumangon si Ola Adeogun mula sa mahinang laro laban sa San Sebastian sa kinamadang 10 puntos at 6 rebounds habang si Carmelo Lim ay may apat na tres tungo sa season-high na 12 puntos at ang Lions ay nagdomina mula sa simula hanggang sa natapos ang laro.
Ito ang ikapitong panalo sa siyam na laro ng Lions upang makasalo sa liderato ang San Sebastian at Jose Rizal University.
Tanging si Baser Amer lamang ang hindi nakaiskor sa 11 ginamit ng Lions na tumapos taglay ang 48% shooting (25 of 52).
Ikalawang sunod na talo naman ang nangyari sa Knights para sa 4-5 baraha at ininda nila ang mahinang anim na puntos lamang ng kamador na si Kevin Alas na markadong-markado ng depensa matapos gumawa ng 31 puntos sa huling laro.
Hindi naman pinahintulutan ng depensa ng Mapua na makaiskor ng field goal ang Arellano tungo sa 68-49 panalo sa unang laro.
Sablay ang lahat ng 12 attempts ng Chiefs sa huling yugto at nakaiskor lamang sila ng tatlong puntos upang masayang ang paghabol mula sa 30-41 iskor tungo sa 47-50,sa pagbubukas ng huling yugto.
Sina Prince Caperal, John Pinto at John Bangge ay may tig-isang split sa 15-foot line para hindi mabokya ang Chiefs sa huling yugto.
Tinapos ng Cardinals ang first round elimination bitbit ang dalawang dikit na panalo at 4-5 baraha.
- Latest
- Trending