Sandugo Sandals team to beat
MANILA, Philippines - Itinuturo ang bagitong Sandugo Sandals na siyang paborito para manalo sa Shakey’s V-League Open na magbubukas na sa Linggo sa Ninoy Aquino Stadium.
Dumalo sa PSA Forum na ginawa kahapon sa Shakey’s Malate, ang opisyales ng nag-oorganisang Sports Vision at ilang coaches para kunin ang kanilang mga pananaw sa ikalawang conference ng liga.
Ang pagkakaroon ng dalawang Thai imports na sina Jeng Bualee at Utaiwan Kaensing bukod pa sa paghugot kina Nene Bautista, Angela Benting, Mae Crisostomo, Suzanne Roces at Rubie De Leon ang naglalagay sa Sandugo na hawak ni coach Roger Gorayeb, bilang patok sa anim na koponang liga.
“Talent wise at experience, ang Sandugo ang team to beat. Pero depende pa rin iyan sa ipakikita ng ibang teams,” wika ni multi-titled coach Shaq delos Santos na assistant coach ng FEU.
Ang iba pang kasali ay ang nagdedepensang kampeon Philippine Army, Philippine Navy, Cagayan at Ateneo na kampeon sa 1st conference sa ligang may ayuda ng Shakey’s Pizza bukod pa ng Accel at Mikasa.
Problemado naman si Army coach Digoy de Guzman dahil pito pa lamang ang kanyang manlalaro kaya’t nangangambang mawala sa kanila ang titulo.
Isang koponan na puwedeng magbigay ng magandang laban ay ang Cagayan kung matutuloy ang planong paghablot sa isang Korean player na beterano umano ng Olympics.
“This will be an exciting conference dahil ang mga players na hindi nakalaro sa first conference na para sa mga collegiate players ay makakasali ngayon. Inanunsyo rin ng Cagayan ang balak na magdala ng Korean player bilang kanilang reinforcement kaya excited kami,” wika ni Sports Vision chairman Mauricio “Moying” Martelino na kasamang kinatawan ang kumpanya ng pangulong si Ricky Palou.
Tuwing Martes, Biyernes at Linggo gagawin ang labanan at ang elimination ay double-round upang madetermina ang apat na koponan na aabante sa cross-over semifinals na inilagay sa best of three series.
Ang mga mananalo ay uusad sa finals na inilagay din sa best of three.
- Latest
- Trending