Pagpasok ni Romero sa PBA may linaw na
MANILA, Philippines - Inaasahang ipadadala ngayon ni Mikee Romero sa PBA office ang mga dokumento patungol sa pagbili sa Powerade Tigers.
Ang deed of assignment ang dokumentong kanyang ibibigay sa PBA office matapos isumite ang corporate papers ng pag-aaring Sultan 900 Capital Inc.
Ang Sultan ang kumpanyang bumili sa Powerade Tigers at ang bentahan ay pag-uusapan ng PBA Board of Governors ngayong Biyernes sa isang special meeting.
Pero ayon sa mga insiders, tiyak na ang pagpasok ni Romero sa PBA dahil makukuha niya ang kailangang two-thirds boto para katigan ang bentahan.
Mismong ang bagong upong chairman na si Robert Non ng San Miguel Beer ang nagpahiwatig sa positibong pagtanggap kay Romero na dati na ring nakilala bilang amateur basketball godfather at may-ari ng Harbour Centre na nanalo ng anim na sunod na titulo sa PBL.
Siya rin ang pioneer sa ASEAN Basketball League gamit ang Philippine Patriots na hinirang din bilang kauna-unahang kampeon sa regional basketball league.
“Mikee spends from P50-P80 million a season in the ABL and that’s for only six months. It only indicates that he can sustain a team in the PBA,” wika ni Non.
Maging si PBA commissioner Atty. Chito Salud ay kumbinsidong pasok na si Romero sa PBA dahil magkakaproblema ang liga kung magiging siyam na lamang ang maglalaro sa kanilang 38th season.
“It would be ironic if the PBA becomes a nine-team league after announcing a banner season,” wika ni Salud.
Ang liga ay magbubukas sa Setyembre 30 at ang koponan ni Romero ay makikilala bilang Global Port.
Kung sasang-ayunan ang bentahan, ang Global Port ay makakasama sa PBA Rookie Draft sa Robinson’s Mall sa Linggo at sila ay may tangan ng 10th at 16th pick.
- Latest
- Trending