LONDON--Isinubi ng United States Dream Team na binubuo ng mga NBA stars ang kanilang ikalawang sunod na Olympic men’s basketball gold medal at pang-14th overall para sa America matapos talunin ang Spain, 107-100 sa finals nitong Linggo.
Hindi man lang nakatikim ng talo ang Americans sa buong torneo na gaya ng kanilang ginawa noong 2008 Beijing Games kung saan ginapi rin nila ang Spain sa finals.
Ibinulsa ng US multi-millionaire lineup ng NBA elite ang kanilang ikalimang korona sa nakalipas na anim na Olympics.
“I’m on cloud nine. It’s such a huge honour,” wika ni US star Kobe Bryant.
Napaganda rin ng Americans ang kanilang record sa 62-1 mula nang baguhin ang national team program matapos mag-bronze noong 2004.
Humataw si Kevin Durant ng 30 puntos, tampok rito ang siyam na rebounds, habang nagsumite si LeBron James ng 19 markers at nagdagdag naman si Kobe Bryant ng 17 puntos para sa Americans.
Nagbida naman si Paul Gasol sa Spain sa kanyang kinamadang 21 puntos.
Lamang ang Americans sa 83-82 papasok ng final canto, bago binuksan ang 12-3 salvo sa nasabing quarter na hindi na binitiwan pa.
Inangkin naman ng Russia ang bronze medal matapos iligwak ang Argentina, 81-77.