LONDON--Mga kilalang performers ng London ang nagsama-sama upang ibigay ang memorableng pagtatanghal na hindi kailanman makakalimutan ng mga dumalong atleta, opisyales at bisita sa London Olympics.
Ang liwanag mula sa mga paputok, ingay ng mga tambol at mga nakaaaliw na awitin ang nakita ng mga atleta, opisyales at bisita sa pagsasara ng tabing ng London Games noong Linggo.
Mga awitin na sumikat mula pa sa dekada 20 hanggang sa British Pop ang narinig at pinasaya ito ng pagsasayaw ng mga batang babae at lalaking Brazilian bilang pagpapaalala na ang susunod na Olympics sa 2016 ay gagawin sa Rio de Janeiro.
Ang Spice Girls at si George Michael ang nanguna sa mga tanyag na mang-aawit mula London pero ang nakakaantig ng damdamin sa pagtatanghal ay paglabas ng rebulto ni John Lennon na sinabayan ng pag-awit ng Liverpool choirs ng pamosong kanta nito na “Imagine”.
Lampas hatinggabi na nang matapos ang palabas at ang selebrasyon ay nakita rin sa labas ng 80,000 seater Olympic stadium dahil nagdiwang din ang mga taong nasa bars, parks at pubs at umabot ito sa Wales at Scotland.
Ang hinirang na kampeon ay ang US sa 46 ginto, 29 pilak at 29 bronze medals.
Tinalo ng US ang China para bawian ito dahil naungusan sila sa unang puwesto noong 2008 sa Beijing.
Ang China ay may 38-27-22 bago sumunod ang host Great Britain na inangkin ang ikatlong puwesto bitbit ang 28-16-19 gold-silver-bronze medals.
Minalas lamang na ang Pilipinas na kinatawan ng 11 atleta ay hindi nasama sa mga nanalo ng medalya upang umabot na sa apat na Olympics na hindi nakakatikim ng tagumpay ang panlabang atleta.