LONDON-- Sinabi ni swimmer Jasmine Alkhaldi na ipagpapatuloy niya ang pagsasanay para katawanin ang Pilipinas sa 2016 Olympics sa Rio de Janeiro.
At umaasa rin siyang makakalangoy pa para sa bansa sa susunod na 10 taon.
“Ay, kuya, I’m only 19 years old,” natawang sabi ng University of Hawaii freshman tungkol sa Olympic athletes’ biography kung saan ipinakitang ipinanganak siya noong Hunyo 20, 1983.
“The International Olympic Committee (actually, the London organizing committee) committed a mistake. Everybody was tweeting me saying ‘you don’t look that old’. Then I told my coach ‘ayusin mo yan’ but the mistake remained uncorrected,” dagdag pa ng Filipina tanker.
“I am one of the youngest in my event (100m freestyle),” sabi ni Alkhaldi, isang swimming scholar sa University of Hawaii. “I still have four years so I still have time for Rio when I graduate. Hindi pa naman ako 29, ha!”
Kagaya ng 18-anyos niyang kababayang si Jessie Khing Lacuna, hindi nakapasok si Alkhaldi sa semifinals ng kanyang event.
Ngunit ang kanyang oras na 57.13 segundo sa heats ang nagpaganda sa kanyang dating tiyempong 58.02 sa World Championships sa Shanghai noong 2011.
Umaasa si Alkhaldi, isang high school swimming scholar sa TRACE School sa Laguna, na makapaghahanda siya para sa 2016 Rio Olympics sa ilalim ng isang Hawaiian coach na naglagay sa kanya sa varsity team.
“Walang imposible,” sabi ng anak ng isang businesswoman na nagdala sa kanya sa swimming pool sa edad na 3-anyos. “I don’t give myself personal goals, all I’ll be doing is to keep improving my time again and again. Wala akong limit.”