Azkals yuko sa Inferno
MANILA, Philippines - Umatake agad ang Chicago Inferno ng tatlong goals sa first half upang angkinin ang 3-1 panalo laban sa Philippine Azkals sa friendly game ng dalawang koponan kahapon sa Joe Bean Stadium ng Wheaton College sa Wheaton, Illinois.
Malamya ang panimula ng Azkals na sumasailalim sa 15 araw na training camp sa Wheaton College at agad na kinapitalisa ito ng Inferno na naglalaro sa Premier Development League.
Si Carl Haworth ang umiskor ng unang goal sa ikapitong minuto sa masamang depensa ni Jason Sabio bago umatake si Drew Jeskey ng dalawang goals sa 14th at 33rd minute.
Gumanda naman ang laro ng Azkals sa second half at si Carli de Murga ang nakaiskor para sa koponan sa 73rd minuto.
Ngunit hindi naman nagpabaya ang Inferno at pinagtibay pa ang kanilang depensa para manalo taglay ang dalawang goals na bentahe.
Ito ang una sa dalawang laro na susuungin ng Azkals habang nasa US at lumalaban ang koponan ng wala ang mga tinitingalang players sa pangunguna nina James at Phil Younghusbands at goal keeper Neil Etheridge.
Hindi naman dapat na ikalungkot ng mga panatiko ng Azkals ang pagkatalo dahil ito ay ginagamit ng koponan bilang bahagi ng kanilang paghahanda para sa Suzuki Cup sa Nobyembre sa Thailand.
- Latest
- Trending