MANILA, Philippines - Mag-uunahan sa pagbangon ang La Salle at Adamson sa pagbabalik ng mga laro sa 75th UAAP men’s basketball ngayon sa Samart Araneta Coliseum.
Ang laro ay itinakda sa alas-2 ng hapon at ang mananalo ay mananatili na nasa gitnang puwesto sa walong koponang liga.
May 2-3 baraha ang Archers at nilakipan nila ito ng tatlong sunod na pagkatalo pero nananalig pa rin si coach Gee Abanilla na makakabangon pa ang koponan.
“Lumalaban kami pero sa endgame ay wala sa amin ang breaks,” wika ni Abanilla.
Binibigyan sila ng mas magandang tsansa na manalo dahil ang Falcons ay maglalaro ng wala ang lider na si Alex Nuyles.
Dumanas ng dislocated right shoulder si Nuyles sa huling laro laban sa host National University kung saan natalo sila, 62-77.
Nagdesisyon si Nuyles na ipa-opera na ang dating injury para tuluyang matapos ang kanyang kampanya sa UAAP dahil nasa huling taon na niya sa liga.
Manatiling nasa ikatlong puwesto ang nakataya sa UST sa pagharap sa wala pang panalong UE sa huling laro sa alas-4.
May tatlong dikit na panalo ang tropa ni coach Alfredo Jarencio.