Azkals susukatan ang Chicago Inferno ngayon
MANILA, Philippines - Haharapin ngayong umaga ng Philippine Azkals ang Chicago Inferno sa isang international friendly game na gagawin sa Wheaton College, Wheaton Illinois.
Ito ang una sa dalawang laro na haharapin ng Azkals sa US at kasunod nito ay babanggain nila ang US Virgin Island national team sa Agosto 17 sa Kuntz Stadium.
Binubuo ang Azkals ng 24 manlalaro na nagsasanay sa loob ng 15-araw sa US bilang panimula sa paghahanda ng koponan para sa Suzuki Cup sa Bangkok, Thailand sa Nobyembre.
Sa bilang na ito ay hindi kasama ang magkapatid na sina Phil at James Younghusbands, Fil-Foreign players sa pangunguna nina goal keepers Neil Etheridge at Ronald Muller, Dennis Cagara, Jerry Lucena at Paul Maulders.
Pero handa umanong sumabay ang Azkals sa Inferno na naglalaro sa Premier Development League at sa ngayon ay mayroong 4 panalo, 3 tabla at 9 talo sa 16 laro.
Mangunguna sa koponan ang batikang stiker na si Chieffy Caligdong bukod pa sa Fil-Foreigners na si Jason de Jong at Chris Greatwich.
- Latest
- Trending