LONDON--Matapos ang kanyang pagtakbo sa pang lima at huling karera ay nakapanayam ng ilang Filipino sportswriters si BMX rider Danny Caluag.
Nakangiti si Caluag at sinabi sa bawat isa kung gaano siya kasaya sa kanyang inilaro sa 30th Olympic Games.
Ngunit walang dapat ikatuwa at ipagdiwang.
Hindi umabot sa semifinals ang 25-anyos na si Caluag nang mahuli sa kanyang grupo sa five-run quarterfinal round sa kabila ng matinding paghahanda para sa kanyang unang Olympics appearance.
Ang lahat ng ito ay nauwi sa wala sa harap ng 6,000 manonood sa BMX track sa loob ng Olympic Park.
“I’m happy with my performance. You know, anything can happen in BMX racing,’’ sabi ni Caluag sa mga tanong ng ilang Filipino journalists kung ano ang nangyari. “I did my best, I did everything.’’
Sa unang karera pa lamang ay sumemplang na si Caluag sa isang seven-man spill para tumapos bilang pang lima.
Bagamat nakabangon, lubha namang nahirapan si Caluag sa sumunod na apat na karera sa quarterfinal round para tumapos na may 29 point total.
Pumuwesto si Caluag sa pang pito, pang lima at pang anim sa Run 2, 3, 4 at 5, ayon sa pagkakasunod.
“I have cuts and bruises all over my body. But i didn’t mind them because I really wanted to make the next stage,’’ sabi ni Caluag.
Puno ng pag-asang sumakay si Caluag, anak ng mga Pinoy na tubong Bulacan at Nueva Ecija na nanirahan sa United States bago siya ipanganak, sa kanyang Speedco bike bago siya tumumba sa unang karera at nagtala ng oras na isang minuto at 02. 086 segundo.
Nalampasan ni Caluag ang 40-second barrier sa 450-meter ride na may high ramp, banked corners at wave-like bumps na nagpatunay na kaya niyang makipagsabayan sa mga BMX riders ng United States at Europe na nagdomina sa quarterfinals.
Bukod kay Caluag, binigyan din ng tsansang makapag-uwi ng medalya si boxer Mark Anthony Barriga.
Umabante sa semis ang mga bigating sina Beijing Olympics gold medalist Maris Strombergs ng Latvia, World No. 1 Sam Willoughby ng Australia, 2011 world champion Joris Daudet ng France at American Connor Fields.