UAAP Board inihayag ang bagong schedule

MANILA, Philippines - Binago ng UAAP board ang naunang iniskedul sa 75th UAAP men’s basketball dala ng kanselasyon ng mga laro matapos ang malawakang pagbaha dulot ng malalakas na pag-ulan na hatid ng habagat.

Ang mga larong dapat na ginawa noong Miyer­kules (Agosto 8) sa pagitan ng La Salle-Adamson at UE-UST ay gagawin na sa Linggo (Agosto 12).

Ang laro na dapat ay para bukas (Agosto 11) na UST-Adamson at UP-UE ay inilipat na sa Agosto 19.

Ang orihinal na laro para sa Linggo (Agosto 12) na tagisan ng NU at La Salle at Ateneo at FEU ay gagawin na sa Agosto 18.

Sa Samart Araneta Coliseum gagawin ang lahat ng laro na kukumpleto sa first round elimination.

Kasabay nito, inihayag ni UAAP board secretary-treasurer Junel Baculi na ang mga nabiling tiket na dapat ay para sa Agosto 8 ay magagamit sa Agosto 12 habang ang tiket para sa Agosto 12 ay tatanggapin sa Agosto 18.

Hiwalay pa rin ang tiket para sa Agosto 18 dahil ang bakbakan sa pagitan ng NU at La Salle ay iti­nakda sa ganap na alas-12 ng tanghali habang ang Ateneo-FEU ay sisimulan dakong alas-4:30 ng hapon. 

Samantala, tuloy naman ang pagbubukas ng UAAP badminton bukas sa Rizal Memorial Badminton Hall.

Aksyon sa kalalakihan ang unang matutunghayan sa ganap na ika-9 ng umaga at ang mga ito ay sa pagitan ng UST-UE, NU-FEU, Ateneo-La Salle, UP-Adamson.

Sa ganap na alas-12 ng tanghali gagawin ang opening ceremony at sa dakong ala-1 ng hapon ay sisimulan ang laro sa kababaihan na katatampukan ng UP-Adamson, Ateneo-FEU, UE-La Salle at UST-National University.

Sa Linggo magpapatuloy ang tagisan at ang mga laro sa ganap na ika-9 ng umaga ay NU-UP, La Salle-UE, FEU-Adamson at Ateneo-UST sa kalalakihan habang dakong ala-1:00 mapapanood ang labanan sa kababaihan na Ateneo-UST, La Salle-Adamson, FEU-NU at UE-UP.  

Show comments