LONDON--Namuro si Jamaican runner Usain Bolt sa hangaring ikalawang sunod na sprint double title sa Olympics nang makapasok ito sa 200-meter finals sa London Games.
Si Bolt ay naorasan ng 20.18 segundo upang pangunahan ang heat 2. Sapat ang oras niya para masama sa walong sprinters na maglalaro sa finals sa pangunguna ng kanyang kababayang si Yohan Blake na may pinakamabilis na tiyempo na 20.01.
Si Bolt ang siyang may hawak ng Olympic at World Championships record sa distansya na 19.30 at 19.19 segundo, ayon sa pagkakasunod.
Inangkin ni Bolt ang sprint double title sa Beijing Games at kung maduduplika niya ito sa London ay hihigitan na niya ang naabot ng maalamat na si Carl Lewis na may tatlong ginto at isang pilak sa sprints noong 1984 at 1988 Games.
“That is why I am here, to cement my legendary status,” wika ni Bolt na naorasan sa 100m run ng 9.63 segundo na isang bagong Olympic record.
“I am focused and ready,” dagdag nito.
Nakikita rin niya ang posibilidad na mabura ang kanyang record sa distansya dahil lahat ng walong finalists ay matutulin.
Sa kasalukuyan ang Jamaica ay mayroong dalawang ginto, dalawang pilak at dalawang bronze medals at bukod kay Bolt, nanalo na rin si Shelly Ann Fraser-Pryce sa women’s 100m dash.