MANILA, Philippines - Tagisan sa junior netters ang maghuhudyat sa pagsisimula ng dalawang linggong Olivarez-Philta Open Tennis Championships ngayon sa Olivarez Sports Center sa Sucat, Parañaque.
Ang top seed na si Jerome Olivarez ay makikipagsukatan kay Santino Vistan na isa sa mga tampok na laro sa kompetisyong handog ng Palawan Pawnshop at Express Pera Padala.
Ang iba pang labanan ay sa pagitan nina third seed Arthur Pantino at Ambrose Besas, 6th seed Jacob Martin laban kay Miguel Cerrado, Chris Prulla laban kay Rodel Velarde, Mar Raphael Teng laban kay Tim Gumban at Marcus del Rosario laban kay Ai Burahan sa boy’s 14-under.
Si Cenon Gonzales Jr. na number two seed ay makikipagsukatan kay Stephan Lhuillier sa Linggo.
Sa girls 16-under, ang top seed na si Roxanne Resma ay makikipagtagisan kay Janna Hernandez, ang second seed Rachelle de Guzman laban kay Andie Villarosa, sixth seed Jzash Canja laban kay Frances Santiago at no. 8 Khim Iglupas laban kay Monica Cruz.
Ang tampok na bakbakan ay gagawin sa Agosto 14 sa pagsalang ng mga bigating tenista ng bansa sa men’s at women’s division.
Mangunguna sa kalalakihan si Jeson Patrombon na haharapin ang mga tinitingala ring sina Francis Casey Alcantara, Marc Reyes, Johnny Arcilla at Pablo Olivarez.
Sina Charice Patrimonio, Jasmin Tan Ho, Maika Tanpoco at Resma naman ang mga mangunguna sa women’s division sa palarong may basbas din ng Philippine Tennis Association (Philta).