MANILA, Philippines - Nakumpleto rin ng Team Manila ang matagal ng inaasam na maging kampeon sa Big League Softball World Series.
Sa one-game finals laban sa California na nilaro noong Huwebes sa Vandenberg Park sa Kalamazoo, Michigan ay lumabas ang pinakamabangis na laro ng bisitang koponan tungo sa madaling 14-2 panalo sa larong tumagal lamang ng limang innings.
Ito ang ikaapat na pagkakataon na umabot sa Finals ang Team Manila pero unang kampeonato pa lamang nila ito.
Si Rizza Bernardino ay nagpasikat sa pitching at hitting. Bilang natatanging pitcher ng koponan na ginamit sa laro, binigyan lamang niya ang kalaban ng limang hits at dalawang runs.
Sa opensa ay may two-run homerun si Bernardino katulad ni Mary Joy Floranza para pakinangin ang 14 hits na ginawa laban sa tatlong pitchers ng kalaban.
Ang finals ay inasahan na magiging mahigpitan dahil ang California na kinatawan ang West, ang nagdodomina sa single-round elimination sa 7-1 karta at kasama sa kanilang tinalo ay ang Team Manila, 9-6.
Dalawang dikit na talo ang bumulaga sa kampanya ng koponang hinawakan ni coach Ana Santiago pero hindi nawalan ng dibdib ang koponan at naipanalo ang anim na sunod na laro.
Kasama sa hiniya ay ang two-time defending champions na Grand Rapids, Michigan, 12-2, upang makuha ang puwesto sa championship game base sa winner-over-the-other rule. Ang dalawang koponan ay nagsalo sa ikalawang puwesto sa 6-2 karta.
Ang Finals ay pinanood ng 2,000 tao at tunay na ipinakita ng Team Manila na karapat-dapat silang maging kampeon matapos ang pag-iskor sa lahat ng innings na pinaglabanan.
Si shortstop Queeny Sabobo ay may tatlong RBIs at dalawa rito ay kanyang ginawa sa unang inning para tulungan ang kanyang koponan na hawakan ang 3-0 iskor.
Apat pang runs ang ginawa ng Team Manila sa second inning mula sa two-run single ni Krisna Paguican at two-run homerun ni Bernardino bago humataw pa ng tig-isang run sa ikatlo at ikaapat na innings.
Tinapos ng Team Manila ang mainit na laro gamit ang five runs, five hits, at pinasimulan ang pagragasa ng runs ni Florenza na humataw ng homerun upang mapapasok din si Gene Joy Parilla na nakatungtong sa isang hit.
Ang koponan ay mula sa manlalaro ng UAAP champion Adamson, UST, UE at Polytechnic University of the Philippines (PUP).