MANILA, Philippines - Bagamat natuloy na ang pagbili ng Sultan 900 Capital ni Mikee Romero sa prangkisa ng Powerade Tigers, wala pa ring desisyon ang PBA Board tungkol dito.
Inaasahang aaprubahan na ng PBA Board ang pagpasok ni Romero, ang Chief Executive Officer ng Harbour Centre, sa kanilang pulong sa Macau sa susunod na linggo.
Ngunit ayon kay PBA Commssioner Chito Salud, hindi tatalakayin sa pulong ang proposed sale ng Powerade sa Sultan 900 Capital ni Romero.
Sinabi ni Salud na pag-uusapan ng PBA Board ang tungkol sa bentahan sa kanilang pag-uwi sa bansa.
Sa pagkawala ng Powerade, si Robert Non ng Barangay Ginebra ang makakakuha ng chairmanship sa PBA na isusuko naman ni Mamerto Mondragon ng Rain or Shine.
Maliban sa eleksyon ng mga opisyales, tatalakayin din sa pulong sa Macau ang presentasyon ng AKTV at ang format para sa darating na 38th season.
Ilalahad din ni Salud ang kanyang mga nagawa sa nakaraang 37th season pati na ang ulat niya sa gate receipts.
Sa 37th season, nagkampeon ang Talk ‘N Text sa 2012 PBA Philippine Cup, naghari ang B-Meg sa Commissioner’s Cup at namayani ang Rain or Shine sa Governors Cup.
Inaasahan namang bibigyan ng panahon ng PBA ang gagawing preparasyon ng Smart Gilas II ni coach Chot Reyes para sa 2013 FIBA Asia Championship.
Ang unang aktibidad ng PBA para sa 38th season ay ang 2012 Rookie Draft na nakatakda sa Agosto 19 sa Midtown Robinson’s Place Manila tampok ang kabuuang 71 aspirante.
Ang Petron Blaze ang kukuha sa No. 1 overall pick, nahugot mula sa Air21, kasunod ang Alaska (No. 2), Petron (No. 3), Meralco (No. 4) at Barako Bull (No. 5).