Team Manila pasok sa finals ng World Series Big League Softball
MANILA, Philippines - Inangkin muli ng Team Manila ang puwesto sa World Series Big League Softball finals nang pataubin ang Pennsylvania, 11-6, sa pagtatapos ng eliminasyon noong Martes sa Vandenberg Park sa Kalamazoo, Michigan.
Ang panalo ay ikaanim na sunod ng Team Manila para pawiin ng koponang kumakatawan sa Asia-Pacific ang naunang dalawang kabiguan at makakalaro sa Finals sa ikaapat na pagkakataon sa huling limang taon ng liga.
Si Michelle Lentija ang siyang lumabas na winning pitcher matapos limitahan ang kalaban sa limang hits at apat na run sa 5 1/3 innings na pagpukol habang ang shortstop na si Queeny Sabobo ang siyang nag-init sa pagpalo nang magtala ng 5 RBIs gamit ang dalawang homeruns.
May 13 hits ang ginawa ng Team Manila sa losing pitcher na si Lauren Antosh at sina Rizza Bernardo at Lentija ay may tig-isang homerun din para katampukan ang naglalagablab na opensa.
Ang nagdedepensang Grand Rapids ng Michigan ay tumapos din taglay ang 6-2 karta pero ang Manila ang umabante sa bisa ng 12-2 panalo noong Lunes.
Ang California na kumakatawan sa West ang siyang makakalaban ng Team Manila sa Finals sa Miyerkules matapos pangunahan ang single round elimination sa 7-1 karta sa siyam na koponang liga.
- Latest
- Trending