MANILA, Philippines - Kahit saang lugar ay handang lumaban si Filipino world light flyweight champion Johnriel Casimero.
Ito ang pahayag ng 22-anyos na si Casimero sa kanyang pagdating kahapon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) mula sa Los Angeles, California.
“Kahit saan, kung sino ang may gusto na kalabanin ako,” sabi ng tubong Ormoc City, Leyte.
Matagumpay na naipagtanggol ni Casimero ang kanyang suot na International Boxing Federation light flyweight crown laban kay Mexican challenger Pedro Guevara noong Linggo sa Centro de Convenciones sa Mazatlán, Sinaloa, México.
Binigo ni Casimero si Guevara via split decision para patuloy na isuot ang naturang IBF title pabalik ng bansa.
“Happy ako kasi nanalo ako. Happy din ako kasi maraming sumuporta din,” wika ni Casimero.
Ikinumpara rin ni Casimero ang kanyang eksperyensa sa Argentina noong Pebrero.
“Mabait ang mga tao sa Mexico, marunong naman silang tumanggap ng pagkatalo,” sabi ni Casimero sa mga Mexicans.
Sa kanyang panalo kay Luis Lazarte noong Pebrero sa Argentina, sinugod ng mga galit na Argentinian fans ang kampo ni Casimero.
Nakamit ni Casimero ang IBF interim light flyweight title sa kanyang panalo laban kay Lazarte.
Bitbit ngayon ni Casimero ang kanyang 17-2-0 win-loss-draw ring record kasama ang 10 KOs.
Maliban kay Casimero, ang iba pang Pinoy na naghari sa light flyweight division ay sina Dodie Boy Peñalosa (IBF 1983), Tacy Macalos (IBF 1988-89), Rolando Pascua (WBC 1990-91), Rodel Mayol (WBC 2009-2010), Brian ‘The Hawaiian Punch’ Viloria (WBC 2006 at IBF 2009) at Donnie ‘Ahas’ Nietes (WBO 2011-2012).