Sa kanilang mga events sa 2012 London Olympics bigo sina Torres, Herrera

LONDON — Hindi na naitago ni Marestela Torres ang kanyang pagkadismaya sa sarili matapos mabigong ma­kaabante sa final round ng women's long jump event sa maulang Martes ng gabi ng 30th London Games sa 80,000-seat Olympic Stadium.

Lumundag ang 32-anyos na si Torres ng 6.22 meters sa kanyang ikatlo at huling tangka para tumapos sa ika- 22 sa kabuuang 30 lahok na pinangunahan ni top qua­lifier Proctor Shaa ng Great Britain (6.83 m).

Ayon kay Torres, nakaramdam siya ng pananakit ng kasu-kasuan sa kanyang warm up bago lumundag.

 “Ewan ko ba nanakit ang mga muscles ko sa warm-up pa lang,’’ sabi ni Torres sa isang Team Philippines of­ficial, habang dinamayan naman siya ni swimmer Jas­­mine Alkhaldi sa kanyang kuwarto.

Naiyak si Torres sa paghahanap ng kasagutan kung ba­kit hindi niya nakuha ang kanyang personal best na nag-akay sana sa kanya sa championship round na pa­­kakawalan nga­yon.

Nabigong pantayan ni Tor­res ang kanyang lundag na 6.71m na nagbigay sa kanya ng gold medal sa 2011 Southeast Asian Games.

"Parang napasukan ng lamig. Nag-iba na naman kasi ang weather in the last few days. Sayang ang paghahan­da ko. Alam ko prepared ako ngayon. Disappointed ako ta­laga,’’ sabi ni Torres sa kanyang ipinakita.

Ang pang 12 qualifier na si Veronika Shutkova ng Bul­garia ay naglista ng 6.40m sa kanyang huling tangka na nagawa na ni Torres sa sinalihan niyang dalawang in­ternational tournaments bago sumabak sa 2012 London Games.

Nabigo rin si Torres na makapagpakita ng magandang lundag sa 2008 Beijing Olympics.

Bagamat natalo, hindi pa mag­reretiro si Torres.

“Tatalon pa rin. Kung wala pang tatalo sa akin sa atin, siyempre gusto ko pa ring lumaban sa international tour­naments,’’ sabi ni Torres, nasa kanyang ika-12 taon bil­ang national team member.

Kagaya ni Torres, nabigo rin si Rene Herrera sa kanyang heat sa men’s 5,000-meter run matapos mangulelat sa kanyang oras na 14:44:11 na isa niyang personal best.

Si Hayle Ibrahimov ng Azerbaijan ang kumuha ng first place sa heat sa kanyang bilis na 13:25:23, habang si Hagos Gebhriwet ng Ethiopia ang kumuha ng pinakahuling qualifying slot para sa final round sa kanyang 13:26:16.

Ang dating personal best ng Navyman na si Herrera ay 14:51:40.         

Show comments