LONDON — Hindi na naitago ni Marestela Torres ang kanyang pagkadismaya sa sarili matapos mabigong makaabante sa final round ng women's long jump event sa maulang Martes ng gabi ng 30th London Games sa 80,000-seat Olympic Stadium.
Lumundag ang 32-anyos na si Torres ng 6.22 meters sa kanyang ikatlo at huling tangka para tumapos sa ika- 22 sa kabuuang 30 lahok na pinangunahan ni top qualifier Proctor Shaa ng Great Britain (6.83 m).
Ayon kay Torres, nakaramdam siya ng pananakit ng kasu-kasuan sa kanyang warm up bago lumundag.
“Ewan ko ba nanakit ang mga muscles ko sa warm-up pa lang,’’ sabi ni Torres sa isang Team Philippines official, habang dinamayan naman siya ni swimmer Jasmine Alkhaldi sa kanyang kuwarto.
Naiyak si Torres sa paghahanap ng kasagutan kung bakit hindi niya nakuha ang kanyang personal best na nag-akay sana sa kanya sa championship round na pakakawalan ngayon.
Nabigong pantayan ni Torres ang kanyang lundag na 6.71m na nagbigay sa kanya ng gold medal sa 2011 Southeast Asian Games.
"Parang napasukan ng lamig. Nag-iba na naman kasi ang weather in the last few days. Sayang ang paghahanda ko. Alam ko prepared ako ngayon. Disappointed ako talaga,’’ sabi ni Torres sa kanyang ipinakita.
Ang pang 12 qualifier na si Veronika Shutkova ng Bulgaria ay naglista ng 6.40m sa kanyang huling tangka na nagawa na ni Torres sa sinalihan niyang dalawang international tournaments bago sumabak sa 2012 London Games.
Nabigo rin si Torres na makapagpakita ng magandang lundag sa 2008 Beijing Olympics.
Bagamat natalo, hindi pa magreretiro si Torres.
“Tatalon pa rin. Kung wala pang tatalo sa akin sa atin, siyempre gusto ko pa ring lumaban sa international tournaments,’’ sabi ni Torres, nasa kanyang ika-12 taon bilang national team member.
Kagaya ni Torres, nabigo rin si Rene Herrera sa kanyang heat sa men’s 5,000-meter run matapos mangulelat sa kanyang oras na 14:44:11 na isa niyang personal best.
Si Hayle Ibrahimov ng Azerbaijan ang kumuha ng first place sa heat sa kanyang bilis na 13:25:23, habang si Hagos Gebhriwet ng Ethiopia ang kumuha ng pinakahuling qualifying slot para sa final round sa kanyang 13:26:16.
Ang dating personal best ng Navyman na si Herrera ay 14:51:40.