Malaking puso at matibay na determinasyon sandata ng Rain or Shine
Manila, Philippines - Nagbunga na ang anim na taon na paghihintay ng Rain or Shine.
“It was through a lot of effort, a lot of planning and the big hearts and a determination of a young bunch of guys. I am really proud of them,” sabi ni head coach Yeng Guiao matapos kunin ng Elasto Painters ang 83-76 panalo kontra sa B-Meg Llamados sa Game Seven ng 2012 PBA Governors Cup Finals noong Linggo sa Smart Araneta Coliseum.
Tinapos ng Rain or Shine ang kanilang best-of-seven championship series ng B-Meg sa 4-3 .
Mula sa 3-1 bentahe ng Elasto Painters ay nakabangon ang Llamados nang sikwatin ang Game Five at Six para itabla sa 3-3 ang kanilang serye.
At katulad ng naunang sinabi ni Guiao, kapalaran ng Rain or Shine na magkampeon.
“I’m just happy after six years for the franchise and for myself, at least I know how it feels to be a champion again,” ani Guiao, nakamit ang kanyang ikaanim na PBA title bilang coach.
Sa kabuuan ng serye ay makikita sa mga t-shirt ng Elasto Painters ang nakasulat na “We Dare To Dream”.
Ikinatuwa naman ni Rain or Shine co-team owner Raymund Yu na natupad ito.
“We dare to dream, now we finally accomplish our dream of finally winning a championship here in the PBA,” ani Yu. “Tuloy pa rin ‘yung ‘we dare to dream’ pero ang kasunod nun, now we dare to dream more championships.”
Matapos makamit ang una nilang PBA crown, pupuntiryahin naman ng Elasto Painters ang PBA Philippine Cup sa 38th season ng PBA sa Setyembre.
Para sa 2012 PBA Rookie Draft na nakatakda sa Agosto 19 sa Midtown Robinson’s Place Manila, hawak ng Rain or Shine ang No. 8 overall pick.
- Latest
- Trending