Maraming pinahanga si Mark Anthony Barriga sa kanyang opening bout sa London Olympics.
At isa na ako roon.
Maganda ang style ni Barriga. Marunong mag-adjust sa sitwasyon. Maayos kumilos. Mabilis ang kamay. May footwork. Malakas.
Bata pa si Barriga. Nineteen years old pa lang. Kaya ano man ang mangyari sa kanya sa London ay tiyak na may patutunguhan pa siya.
Sa kanyang timbang na 49 kilos sa London, si Barriga ang pinakamaliit. Hindi naman ito nangangahulugan na isa siyang bubwit.
At napatunayan na niya ito.
Convincing ang panalo niya laban kay Manuel Cappai ng Italy. Kahit na ang mga boxing commentators sa London ay pinahanga niya ng lubos.
Nakatakdang lumaban si Barriga sa round-of-16 kagabi at kaharap niya ay isang boksingero mula sa Kazakhstan, si Birzhan Zhakypov.
Naglaban na sila dati at inamin ni Barriga na pinadugo na niya ang ilong ni Zhakypov. Kumpiyansa si Barriga sa laban na ito.
Pero nagbabala ang kanyang coach, ang bronze medalist sa 1992 Barcelona Olympics na si Roel Velasco, na hindi tayo dapat magpabaya.
Natural, isa lang din ang hangarin ni Zhakypov at ‘yan ay manalo. Gusto rin niyang makapag-medalya sa London Olympics, gaya rin ni Barriga.
Matagal na tayong hindi nananalo ng medalya sa Olympics. Si Onyok Velasco ang huling pinalad nang masungkit niya ang silver medal sa 1996 Atlanta Olympics.
Pareho sila ng timbang nang magkapatid na Velasco at si Barriga na light-flyweight. Kaya lalo akong naniniwala na ang Pinoy boxers ay mas magaling sa mas mababang timbang.
Hindi ako manghuhula kaya hindi ko masabi kung ano ang mangyayari o nangyari sa laban ni Barriga at ni Zhakypov.
Pero habang sinusulat ko ito ay lubos ang aking pananaw na kaya ni Barriga na manalo.
Hindi sana ako nagkamali.