MANILA, Philippines - Lumapit sa isang panalo si Efren “Bata” Reyes para makatikim uli ng kampeonato nang pumasok siya sa finals ng 2012 Predator World 14.1 Championship na nilalaro sa New York, USA.
Si Reyes ay hindi pa natatalo matapos ang anim na laro at kasama sa kanyang mga tinalo ay sina dating world champion Mika Immonen ng Finland, US champion Corey Deuel at ang kasalukuyang number one player na si Darren Appleton ng England.
Ang laro nila ni Appleton ay nangyari sa semifinals at nangibabaw pa ang husay ng mas may edad na si Reyes sa 200-124 panalo.
Makakalaban niya sa finals si John Schmidt na dating US Open 9-ball champion na hiniya si Ralph Eckert ng Germany, 200-60.
Dehado si Reyes dahil matagal na siyang hindi naglalaro ng pool. Pero andoon pa rin ang kanyang bangis para mapalaban pa sa kampeonato.
“Efren likes to win new big tournaments the very first time he plays in them. That’s why he has such big historical event titles if you look at his history of wins,” wika ni Charlie Williams na isa ring pro player kay Reyes.
Kaya hindi siya magugulat kung manalo pa si Reyes sa torneong dinodomina ng mga US players.
“It’s amazing as much as he has done, he still finds the motivation,” wika pa ni Williams.
Hindi naman magiging madali ang hanap na panalo ni Reyes dahil pursigido si Schmidt na angkinin ang titulo.
Sa pagkakaroon ng dalawang determinadong manlalaro, ang resulta ay isang kapanapanabik na finale ng torneo.