Tigers nakaligtas sa La Salle sa 2 OT
MANILA, Philippines - Naipasok ni Aljon Mariano ang mahalagang 18-footer bago sinandalan ng UST ang kanilang depensa upang matakasan ang La Salle, 84-82, sa larong inabot ng dalawang overtime sa 75th UAAP men’s basketball kagabi sa MOA Arena sa Pasay City.
Tumapos si Mariano taglay ang 15 puntos, at 11 rito ay ginawa matapos ang regulation play para ibigay sa Tigers ang ikatlong sunod na panalo matapos ang apat na laro.
Bago ito ay nalusutan niya ang depensa ni Yutein Andrada para itabla ang iskor sa 81-all bago kumana ng jumper para ibigay ang dalawang puntos na kalamangan sa huling 7.1 segundo.
Si Karim Abdul ang nanguna sa depensa ng Tigers nang butatain niya si Andrada at kahit may ilang segundo ang natira sa orasan, sablay ang alleyhoop play para kay LA Revilla para malaglag ang Archers sa ikatlong pagkatalo sa limang laro.
Si Mariano ay tumapos taglay ang 15 puntos kahit nagsimula siya sa 0 of 5 shooting. Si Clark Bautista ang nanguna sa Tigers sa kanyang career high na 21 puntos mula sa 6 of 9 shooting sa tres.
Nakapagpasikat naman ang batang si Jeron Teng sa kanyang 17 puntos at 12 rebounds para sa La Salle.
Samantala, ibinigay ng four-time defending champion Ateneo sa kanilang batikang coach Norman Black ang kanyang ika-100 panalo sa liga sa bisa ng 68-51 panalo laban sa UE.
May 14 puntos at 10 rebounds si Greg Slaughter habang all-around game na 12 puntos, 5 asssits, 3 rebounds at 1 steal ang ibinigay ni Kiefer Ravena para sa Eagles na nilimitahan din ang Warriors sa 17 puntos lamang sa second half para ipatikim ang ikaapat na sunod na pagkatalo kay coach Jerry Codñera.
- Latest
- Trending