MANILA, Philippines - Ito na ang larong pinakamahalaga para sa Rain or Shine at B-Meg.
Sa huling pagkakataon, magtutuos ang Elasto Painters at ang Llamados ngayong alas-6 ng gabi sa Game Seven ng 2012 PBA Governors Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Mula sa 1-3 pagkakabaon, bumangon ang B-Meg para itabla sa 3-3 ang kanilang best-of-seven championship series ng Rain or Shine mula sa kanilang 91-81 at 97-81 tagumpay sa Game Five at Game Six, ayon sa pagkakasunod.
Sa kabila nito, naniniwala pa rin si Elasto Painters’ head coach Yeng Guiao na kapalaran nila ang makamit ang kanilang unang PBA crown matapos umakyat sa pro league noong 2006.
“To me it’s just another game, another chance to win a championship. Na-delay lang ng konti. Na-delay ulit, pero sa amin pa rin ito” sabi ni Guiao, puntirya ang kanyang pang anim na titulo bilang mentor at iginiya ang Red Bull mula sa 2-3 pagkakaiwan sa title series para talunin ang Talk ‘N Text sa 2002 Commissioner’s Cup Finals.
Tanging ang Ginebra ang koponan na nakabangon mula sa isang 1-3 deficit sa 1991 PBA First Conference Finals nang talunin ang Shell sa Game Seven sa likod ng game-winning fadeaway shot ni Rudy Distrito.
Inaasahan naman ni B-Meg bench tactician Tim Cone, target ang kanyang pang 15 korona bilang coach, na mas magiging pisikal ang Game Seven.
“Game Seven is a huge battle, basically an all-out war,” sambit ni Cone, nasa kanyang pang 25th finals appearance at tinulungan ang Llamados sa kanilang pang 23rd finals stint.
Ilang minuto matapos ang kanilang panalo sa Game Six noong Biyernes, sinugod ni Best Import Jamelle Cornley ang may injury na si Joe Devance, habang nakipagsigawan naman sina Guiao at B-Meg team manager Alvin Patrimonio. peonato.