MANILA, Philippines - Solohin uli ang liderato sa 75th UAAP men’s basketball ang balak ng 4-time defending champion Ateneo sa pagharap sa UE ngayon sa MOA Arena sa Pasay City.
Galing sa 76-70 panalo ang Eagles kontra sa UP sa huling laro at ang naipakita ng koponan ni coach Norman Black ang nagresulta upang paalalahanan ng mentor ang kanyang bataan na huwag magkukumpiyansa.
“I expect other teams to play very well against us. Just because we are Ateneo doesn’t mean that it’s going to be an easy win for us,” wika ni Black.
Sa mga linyang binitiwan, nananalig ang beteranong mentor na kakamada ang lahat ng kanyang gagamiting manlalaro para huwag papormahin ang Warriors na hindi pa nananalo matapos ang tatlong laro.
Tatabunan ang larong ito ng unang tagisan sa pagitan ng UST at La Salle sa ganap na alas-2 ng hapon.
Balak umakyat ng Tigers sa ikatlong puwesto kung mapag-iibayo ang kasalukuyang baraha na 2-1 habang ang Archers ay magtatangka na bumangon matapos ang 61-71 pagkatalo sa Ateneo sa huling laro para malaglag sa 2-2 karta.
“Malalakas ang mga nakakalaban namin at sana lang ay magpatuloy ang tsamba namin,” wika ni Tigers coach Alfredo Jarencio na huling pinataob ang host National University sa come-from-behind na 77-71 tagumpay.
May maaasahan namang manlalaro si Jarencio sa pangunguna ni Jeric Teng na makakatapat sa kauna-unahang pagkakataon sa season ang mahusay ding kapatid na si Jeron na starter ng La Salle.
Maliban kay Teng ay aasahan din ng UST sina Aljon Mariano, Jeric Fortuna at Karim Abdul habang sina LA Revilla, Norbert Torres at Luigi Dela Paz ang iba pang kamador ni Archers coach Gee Abanilla.