Laya na si Mayweather
MANILA, Philippines - Kagaya ng pahayag ni Las Vegas police spokesman Jose Hernandez, ang isang bilanggo ay maaaring makalabas ng kulungan ng mas maaga kung maganda ang ipinakita niyang pag-uugali o paggawa sa loob ng kulungan.
Matapos ang dalawang buwan na pagkakakulong sa Clark County Detention Center sa Las Vegas, Nevada dahil sa kasong domestic violence, nakalabas na ng kulungan si Floyd Mayweather, Jr.
Sa paglabas niya ng detention center, nakasuot si Mayweather, sinimulan ang kanyang sentensya noong Hunyo 1, ng sombrero ng Miami Heat at isang abuhing sweatshirt kasunod ang pagyakap sa 20 miyembro ng kanyang pamilya, kasama ang 12-anyos niyang anak na si Iyanna Mayweather pati ang manager niyang si Leonard Ellerbe.
Walang sinabi ang 35-anyos na si Mayweather kung sino ang gusto niyang sagupain makaraang hubaran ng WBA light middleweight belt si Miguel Cotto via unanimous decision noong Mayo 5.
Sumakay si Mayweather sa isang asul na Bentley Sedan kung saan naroon ang kanyang mga kaibigan at si 50 Cent, ang millionaire rapper na nagtayo ng TMT (The Money Team) boxing promotions.
Kumpiyansa si Bob Arum ng Top Rank Promotions na magiging madali na ang kanilang pag-uusap ni Mayweather para sa paghaharap nila ni Manny Pacquiao sa 2013.
Ang 35-anyos na American world five-division champion ay dating co-promoter ng Golden Boy Promotions ni Oscar Dela Hoya na karibal ni Arum.
Kung sakaling maplantsa ang Pacquiao-Mayweather super fight sa susunod na taon, kailangan ni Mayweather na muling kumuha ng bagong lisensya sa Nevada Athletic Commission.
- Latest
- Trending