St. Clare lusot sa STI sa NAASCU

MANILA, Philippines - Tinapos ng St. Clare ang pagdodomina ng STI College nang kunin ang 70-68 panalo sa pagbubukas ng 12th season ng National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) men’s basketball na nilaro sa Makati Coliseum.

Si Jeff Viernes ay mayroong 31 puntos para pangunahan ang mainit na laro ng St. Clare lalo na sa second half upang tabunan ang 32-39 kalamangan ng STI sa halftime.

May 13 puntos pa si Marte Gil upang makatuwang ng beteranong si Viernes para hawakan ng koponan ang 1-0 kalamangan.

Sumalo sa St. Clare ang New Era University at Centro Escolar University nang manaig sa kanilang mga laro.

May 21 puntos si Leo Roncal habang 20 ang ibinigay ni Mac Sevilla para sa NEU na iniuwi ang 89-76 panalo sa City University of Pasay na pinangunahan ni Eric Sarmiento sa kanyang 23 puntos.

May 19 puntos si Axel Garcia habang 13 ang ibinigay ni Mark Anthony Guillen para sa CEU na hiniya ang Trace College Laguna sa iskor na 72-55.

Show comments