MANILA, Philippines - Nagising ang four-time defending champion Ateneo sa second half upang maitaas ang kanilang laro tungo sa 76-70 panalo sa UP sa pagpapatuloy ng 75th UAAP men’s basketball kahapon sa Araneta Coliseum.
Si Nico Salva ay tumapos taglay ang 21 puntos bukod pa sa 5 rebounds at 3 assists at siyang nagpaningas sa nagbabagang laro sa ikatlong yugto upang tuluyang hawakan ang bentahe at dagitin ang ikaapat na panalo sa limang laro.
May 6 of 10 field goal shooting at 9 of 9 sa free throw line, si Salva ay nagbuhos ng 11 puntos sa ikatlong quarter para tulungan ang Eagles sa 29-17 run at ang 32-40 iskor sa halftime ay naging 61-57 kalamangan.
Magkasunod na 3-point play nina Kiefer Ravena at Ryan Buenafe sa pagbubukas ng huling yugto ang nagbigay sa Eagles ng 67-58 kalamangan upang tiyakin ang panalo at ipalasap sa Maroons ang ikaapat na sunod na kabiguan.
Gumawa naman ng 17 puntos, 7 assists at 6 rebounds si Bobby Ray Parks Jr. at tampok na buslo ay ang tatlong free throws matapos ang 57-all deadlock upang wakasan ng National University ang apat na sunod na panalo ng FEU sa 61-57 panalo sa ikalawang laro.
Ang dalawang free throws ni Parks sa huling 16 segundo ay nangyari dahil sa foul ni RR Garcia bago natapos ang laban ng Tamaraws nang hindi tumama ang wala sa pormang tres ni Terrence Romeo.