MANILA, Philippines - Tila matutuloy na ang negosasyon para sa hinihintay na salpukan nina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather, Jr.
Ito ay matapos ang nakatakdang paglaya ni Mayweather bukas (Manila time) mula sa isang 87-day sentence sa Clark County Detention Center sa Las Vegas, Nevada dahil sa kasong domestic violence.
“He is scheduled to be released on the third, but we don’t know what time,” sabi ni Las Vegas police spokesman Jose Hernandez. Ang isang bilanggo ay maaaring makalabas ng mas maaga kesa sa kanyang sentensya base sa maganda niyang pag-uugali o paggawa sa loob ng kulungan.
“It could be a combination of any of those three things,” dagdag pa ni Herrnandez sa paglabas ng bilangguan ng American five-division champion na sinimulan ang kanyang sentensya noong Hunyo 1.
Kamakalawa ay naging positibo ang pagtanggap ni Bob Arum ng Top Rank Promotions hinggil sa pagtatayo nina Mayweather at ni millioner rapper 50 Cent (Curtis Jackson) ng kanilang TMT (The Money Team) boxing promotions.
Ang 35-anyos na si Mayweather ay dating co-promoter sa kanyang mga laban ni Oscar Dela Hoya ng Golden Boy Promotions matapos umalis sa Top Rank ni Arum.
Sinabi ni Arum na mas mapapadalas ang kanyang pakikipag-usap sa TMT para maplantsa ang inaabangang super bout nina Pacquiao at Mayweather.
Noong Mayo 5 sana ang suntukan nina Pacquiao at Mayweather ngunit hindi ito nangyari dahil sa usapin sa pera.
Sa nasabing petsa inagaw ni Mayweather ang suot ni Miguel Cotto na WBA light middleweight title via unanimous decision, samantalang natanggal naman kay Pacquiao ang WBO welterweight belt nang mabigo kay Timothy Bradley, Jr. mula sa isang kontrobersyal na split decision noong Hunyo 9.