MANILA, Philippines - Kung may tao mang nagpalakas ng loob ng mga Llamados sa kanilang 91-81 panalo laban sa Elasto Painters sa Game Five ng 2012 PBA Governors Cup Finals noong Miyerkules, ito ay si Fil-American coach Erik Spoelstra ng 2012 NBA champions Miami Heat.
Sa halftime ay nagtu-ngo si Spoelstra, bumibisita sa bansa, sa locker room ng B-Meg kung saan niya nakausap si mentor Tim Cone at ang mga Llamados.
“The best part of winning is coach Spo coming to the locker room afterwards. That’s very cool for him,” wika ni Cone kay Spoelstra. “I knew him before he got LeBron (James), (Dywane) Wade and (Chris) Bosh. He has not changed from that moment until now. He hasn’t changed, incredibly humble.”
Ang naturang tagumpay ng B-Meg ang nagpaantala sa tangkang pag-angkin ng Rain or Shine sa kanilang kauna-unahang PBA championship sapul ng umakyat sa pro league noong 2006.
Muling pipilitin ng Elasto Painters na makopo ang korona, habang hangad naman ng Llamados na makatabla sa kanilang best-of-seven championship series sa Game Six ngayong alas-6:45 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Tinapos ng B-Meg ang dalawang sunod na panalo ng Rain or Shine para makadikit sa 2-3 sa kanilang titular showdown.
Sa tatlong koponang nakabalik mula sa isang 1-3 pagkakabaon sa isang title series, tanging ang Ginebra ang nakakopo ng titulo matapos resbakan ang Shell sa 1991 First Conference Finals tampok ang winning fadeaway basket ni Rudy Distrito.
Nakabangon rin ang Purefoods (2006 Philippine Cup) at Talk `N Text (2011-12 Philippine Cup) mula sa isang 1-3 deficit. Ngunit ito ay sa semifinal round lamang.
Bagama’t natalo sa Game Five kung saan napatalsik si 6-foot-6 center Beau Belga dahil sa kanyang ikalawang technical foul sa third period, kumpiyansa pa rin si Yeng Guiao na makakamit ng Painters ang korona.