Cabral, Rosario uuwi na
LONDON--Pito na lamang atleta ang sasandalan ng Team Philippines matapos masibak sina shooter Brian Paul Rosario at archer Rachell Ann Cabral sa elimination phase ng kanilang mga events sa London Olympics.
Pumutok si Rosario, nawalan na ng tsansang makasama sa six-man finals kamakalawa, ng malamyang 22-22 sa huling dalawang yugto ng 125-target qualifying round.
Nagtala si Rosario ng 110 para tumapos sa 32nd place sa men’s skeet na pinagharian ni Olympic at world champion American Vincent Jancock, nanguna sa qualifying round sa bisa ng 123 at nagpaputok ng perpektong 25 para sa bagong Olympic record na 148.
Nakuha ni Anders Golden (146) ang silver medal at si Nasser Al-Attiya ng Qatar (144) ang sumikwat ng bronze.
Nalaglag naman si Cabral, No. 55 sa classification round noong Hulyo 27, matapos talunin ni 17th ranked Inna Stepanova ng Russia, 22-23, 18-23, 25-25, 22-27.
Nakatakdang labanan ni Mark Javier, No. 55 sa classification round, ang 10th ranked at World No. 1 na si Brady Ellison sa round of 64.
Samantala, isang 15-anyos na Filipino-American naman ang naging bahagi ng U.S. women’s gymnastics team sa pagsikwat ng gintong medalya sa 30th Olympic Games sa London.
Katuwang si Kyla Ross, inangkin ng US ang gold medal makaraang magtala ng 183.596 points kumpara sa 178.530 ng Russia.
Ang pambato sa balance beam na si Ross ang pinakabatang miyembro ng US women’s gymnastics squad, nakamit ang unang gold medal sa Olympic Games matapos noong 1996 sa Atlanta, Georgia at pangalawa sa kabuuan.
Si Ross ay ipinanganak sa Hawaii ng kanyang inang isang Filipino-Puerto Rican at amang African American-Japanese bago nanirahan sa Aliso Viejo, California. (May ulat ni Russell Cadayona)
- Latest
- Trending