Romeo isa sa naging sandigan ng Tams sa 4-dikit na pananalasa
MANILA, Philippines - Kinilala ng mga mamamahayag na kumokober ng 75th UAAP men’s basketball ang husay ni Terrence Romeo ng Far Eastern University nang hirangin siya bilang ikalawang manlalaro na binigyan ng UAAP Press Corps Player of the Week na handog ng ACCEL 3XVI para sa nagdaang linggong aksyon.
Karapat-dapat naman ang 5’10 para sa lingguhang parangal dahil nananatiling walang talo ang Tamaraws matapos ang apat na laro na kinatampukan ng mga panalo sa Adamson at UP na nangyari noong Huwebes at Linggo.
Naghatid ang 2010 Rookie of the Year awardee na si Romeo ng 21 puntos, 6.5 rebounds at 7 assists upang igiya ang tropa ni coach Bert Flores sa 65-62 panalo sa Falcons at 92-66 tagumpay sa Maroons.
Matapos ang apat na laro, si Romeo ay nagbibigay ng nangungunang 16.3 puntos, 6 rebounds, 4.3 assists at 1 steal sa 33 minutong paglalaro.
Pinasalamatan ni Romeo ang pagkilala sa kanya pero binanggit din niya ang mahalagang papel ng mga kasamahan sa kung bakit nangunguna ang FEU sa walong koponang liga.
“Fighting spirit at mental toughness ang nagpapanalo sa amin. Doon kami bumabawi dahil kulang pa kami sa maturity,” wika ni Romeo.
Bukod dito, nakakatuwang din ni Romeo ang dating MVP na si RR Garcia na may inihahatid na 14.3 puntos, 4.8 rebounds at 5 assists sa 34 minutong paglalaro.
Kung hindi magbabago ang ilalaro ng dalawang batikang guards ng FEU, hindi malayong umabante uli sila sa Final Four at mas maging palaban sa kampeonato.
- Latest
- Trending