Baste nakatakas sa EAC
MANILA, Philippines - Kinailangang magkumahog ng San Sebastian sa huling mga minuto para maitakas ang 94-93 panalo laban sa Emilio Aguinaldo College sa 88th NCAA men’s basketball kagabi sa The Arena sa San Juan, City.
Naantala ang laro ng halos dalawang oras nang nasira ang ring matapos ang dunk ni Calvin Abueva sa kanilang warm-up.
Hindi naman napalamig ng mahabang pahinga si Abueva na kumawala ng 29 puntos, 18 rebounds at 7 assists at ang kanyang dalawang free throws laban sa ikalimang foul ni Franz Chiong may 14.8 segundo ang nag-akyat sa lima sa kanilang kalamangan, 93-88.
Si Ronald Pascual ay nagtala ng split bilang ganti sa drive ni Noube Happi bago nahiritan ng error ng depensa ng Baste ang Generals na umubos ng mahalagang oras at pumawi sa steal ni Happi kay Abueva tungo sa tres sabay tunog ng buzzer.
Wala si Ian Sangalang dahil sa nananakit ang kanyang tuhod pero kontrolado ng Stags ang laro dahil sa pagtutulungan nina Abueva at Pascual at suporta nina Michael Miranda at John Maiquez at ang Stags ay nakalayo ng 16 puntos sa ikatlong yugto, 78-62.
Ngunit ipinahinga ni Stags coach Topex Robinson sina Abueva at Pascual at nangapa ang Stags. Agad na kinapitalisa ito ng Generals para makapanakot ngunit di na kumpleto ang asam na upset dahil sa pagbibida ng nagdedepesang NCAA MVP na si Abueva.
Ito ang ikaanim na sunod na panalo ng Stags para pansamantalang hawakan ang liderato habang nalaglag ang EAC sa ikapitong sunod na pagkatalo matapos ang 8 laro.
- Latest
- Trending