Romero magbabalik sa PBA

MANILA, Philippines - Isang magandang ba­lita ang naghihintay kay Mikee Romero sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas mula sa 30th Olympic Games sa London.

Inabisuhan kahapon ng Coca-Cola Bottlers Phils. Inc., ang may-ari sa prangkisa ng Powerade Tigers, ang PBA Commissioner’s Office kaugnay sa pagbebenta ng koponan at ng prangkisa nito sa Sultan 900, Inc., sa halagang P60 milyon.

Ang Sultan 900, Inc ay isang kumpanya na pagmamay-ari rin ni Romero, ang Chief Executive Officer ng Harbour Centre.

“This Office will convene the Board of Governors to secure the approval of two-thirds of its membership at the soonest possible time after the requisite documents from the parties have been secured and the due diligence required under the Constitution of the PBA has been completed by the Commissioner,” ang statement ni PBA Commissioner Chito Salud.

Nakumpleto ang bentahan isang buwan matapos ihayag ni Romero ang kagustuhang magkaroon ng koponan para sa dara­ting na 38th season ng PBA sa Setyembre.

Kasalukuyang nasa London si Romero bilang presidente ng national shoo­ting association kasama si Brian Rosario na kalahok sa skeet event ng 2012 Olympic Games.

Sa 10 seasons ng Po­­werade/Coca-Cola sa PBA, dalawang kampeo­nato ang nakuha ng kopo­nan. Ito ay ang 2002 All-Filipino Cup at 2003 Reinforced Conference bukod pa sa tatlong runner-up finishes sa 2002 Invitatio­nals, 2003 All-Filipino Cup at 2011-12 Philippine Cup at isang third place finish sa 2002 Governors Cup. 

Show comments