LONDON--May ngiti pa rin si Mark Anthony Barriga na lumabas ng gym matapos ang mahigit na isang oras na pagsasanay bilang kanyang pinal na paghahanda bago sumalang sa aksyon sa light flyweight division ngayong hapon.
“I’m ready sir,” wika ng 19-anyos na si Barriga nang makausap bago lumabas ng venue kung saan siya nagsanay kasama si national coach at 1992 Barcelona Olympics bronze medalist Roel Velasco.
“Halos dalawang taon akong nagsanay at masasabi kong handa na ako,” dagdag nito.
Sa ganap na ala-1:33 ng hapon London time, (8:33 p.m. Manila time) sasalang si Barriga laban kay Manuel Cappai ng Italy.
Nasama sa Olympics si Barriga nang nakausad sa quarterfinals bago natalo kay Beijing Olympics gold medalist Zou Shiming na siyang nagkampeon sa World Boxing Championships sa Baku, Azerbaijan
Edad 19 rin si Cappai pero magtataglay siya ng anim na pulgadang bentahe sa height laban sa pambato ng bansa, isang bagay na inaalala ni Velasco.
“Kilala ko naman si Mark at hindi basta-basta patatalo iyan. May kumpiyansa ako sa kanya at di hamak na mas mabilis siya sa kalaban. Kaya magiging exciting ang labang ito,” wika ni Velasco.
Kung palarin, si Barriga ay sunod na makakasukatan ang mananalo sa pagitan nina Birzhan Zhakypov ng Kazahkstan at Jeremy Beccu ng France sa round of 16.
Kapag kumapit pa rin ang suwerte, sunod na babanggain ng tubong Panabo, Davao del Norte si Zou sa quarterfinals at ang mananalo rito ay makakatiyak na ng bronze medal.
Bukod sa pagbibigay ng karangalan sa bansa, isa rin sa magsisilbing inspirasyon ni Barriga para makaabot sa medal round ay ang insentibong makukuha sa pamahalaan at kay ABAP chairman Manny Pangilinan.
Halagang P5 milyon ang perang ibibigay ng pamahalaan sa kauna-unahang gintong medalya ng Pilipinas sa Olympics habang tumataginting na P12 milyon naman ang ipinangako ni MVP sa ganitong kulay na medalya mula sa boxing.