MANILA, Philippines - Pakikinangin ang pagbubukas ng 12th season ng National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) ngayong umaga sa Makati Coliseum sa pagdalo ng tatlong tinitingalang basketbolista sa bansa.
Ang 4-time PBA MVP Alvin Patrimonio, si Avelino “Samboy” Lim at dating San Miguel Beer pointguard at ngayon ay national youth coach Olsen Racela ang magiging panauhing pandangal sa opening ceremony na magsisimula sa ganap na alas-9 ng umaga.
Mangunguna sa palabas ang pangulo ng NAASCO na si Dr. Ernesto Jay Adalem ng host school St. Clare College at bukod sa pagparada ng mga kasaling koponan, tampok sa seremonya ang paggawad sa Centro Escolar University ng kanilang overall championship trophy matapos dominahin ang aksyon noong nakaraang season.
Kasunod ng opening ay ang tagisan ng walong koponan na maghahangad ng unang panalo.
Ang mga laro ay katatampukan ng STI College at St. Clare, University of Pasay City kontra New ERA University, Trace College vs CEU at Our Lady of Fatima University laban sa AMACU.
Bukas ang kampeonato sa men’s basketball dahil ang nagdedepensang University of Manila ay nagpasyang magbakasyon sa taong ito.